top of page
  • Writer's pictureMadelyn N. Solito

Ang Landas ng Pagbabago ni Mikkel (Stories of Hope, Resiliency and Restoration - Tagalog)

Updated: Apr 14

Akala noon ni Mikkel Giron (tunay na pangalan) ang respeto ay dapat manggaling sa iba muna. Iniisip niya na kung nais mo ng respeto mula sa kanya, dapat mong ipakita ito sa kanya muna. Inaamin niyang siya’y pasaway sa kanyang mga magulang, may bisyo, at minsan promotor ng gulo. Ika nga niya, kung bastos ang kausap niya, siya ay mas bastos. Ang pinakamahirap na yugto sa kanyang buhay ay nang siya ay nakulong ng mahigit tatlong taon sa bilangguan. Dito na nagkaroon ng maraming realizations si Mikkel. Dahil sa karanasang ito, natuto siyang magpakumbaba at maging mabuting tao. Sampung taong gulang lamang siya nang magsimula siyang makisama sa mga kaibigan na bad influence. Sa murang edad na ito, nagsimula na siyang manigarilyo. Masaya siya na kasama ang mga kaibigan na ito dahil iniisip niya na siya ay nabibilang at tinatanggap. Ngunit sa bahay, bilang middle child, nararamdaman niyang siya ay napapabayaan. Iniisip niya na ang kanyang mga magulang ay hindi siya kailanman pinaniniwalaan at laging kinakampihan ang kanyang mga kapatid. Isang araw noong 2017, nang siya ay 17 pa lamang, kasama ang kanyang mga kaibigan ay lumabas sila nang hatinggabi upang maglaro ng mga video game sa isang computer shop. Biglang may nangyaring gulo malapit sa lugar. Kahit hindi nila maintindihan ang sanhi ng gulo at labis na nabigla sa pagtakas ng ibang tao at mga players mula sa computer shop, sumama sila sa kaguluhan at nagkalat sa iba't ibang direksyon. Sa kasamaang-palad, isang kaibigan niya ay nakorner ng pulis. Iniisip niya na ang gabing iyon ay isang panandaliang bangungot lamang. Ngunit, dalawang taong nakalipas, sa edad na halos 19, habang si Mikkel ay naglalaro ng tong-its kasama ang kanyang mga kapitbahay, biglang dinakip siya ng dalawang pulis dahil siya raw ay sangkot sa kasong murder na naganap noong 2017. Malinaw niyang naalala ang magulong araw na yaon. Si Mikkel ay nabilanggo kasama ang tatlong matalik na kaibigan, na kilala bilang Navotas Boys, sa loob ng tatlong mahabang taon simula Hunyo 27, 2019. Nawalan na ng pag-asa si Mikkel na makalaya pa. Ngunit sa dingding ng kanyang selda, nakasulat ang isang talata sa Bibliya : "Magpakatatag ka at magpakalakas. Huwag kang matakot o manglupaypay, sapagkat kasama mo ang Panginoon mong Diyos saan ka man pumaroon." (Josue 1:9). Dito natagpuan ni Mikkel ang kapanatagan ng loob na hindi siya pababayaan ng DIyos. Dito siya natutong magdasal na galing sa puso. Nagbunga ang kanyang taimtim na dasal. Sa panahong iyon, namagitan ang PRESO Inc. upang tulungan sa pagpapalaya ng mga karapat-dapat na Persons Deprived of Liberty mula sa bilangguan. Batay sa ‘favorable’ report ukol sa behavior ni Mikkel at ng kanyang mga kaibigan ng mga guwardya sa bilangguan ng Navotas, tinanggap nina Mikkel at ng kanyang mga kaibigan ang tulong mula sa PRESO Inc. upang mapabilis ang kanilang maagang paglaya at matiyak ang kinakailangang halaga ng piyansa na PHP60,000.00 bawat isa para sa pansamantalang kalayaan habang hinihintay ang hatol sa kanilang kaso. Sila ay pinalaya noong Nobyembre 2022. Ramdam ni Mikkel ang pag-ibig ng Diyos sa pamamagitan ng pagkalinga at mga aksyon ng iba. Habang nasa bilangguan, binigyan siya ng pagkakataon na mag-aral sa pamamagitan distance education at nagtapos ng Grade 11. Bagaman hindi naman siya kilala o kamag-anak ng sinumang personnel ng PRESO Inc., naramdaman niya ang tunay na pag-aalala at pagmamalasakit ng mga ito at pagtulong sa kanya at sa kanyang mga kaibigan. Sa kanyang ika-22 kaarawan noong 2022, habang nasa bilanguan pa si Mikkel, siya ay nakatanggap ng sorpresa: Dinala ng PRESO Inc. ang kanyang ina upang siya ay mabisita. Hindi niya nakita ang kanyang ina sa loob ng dalawang taon dahil sa Covid-19 pandemic. Lubos na naging emotional si Mikkel, sapagkat lubos na namiss niya ang kanyang ina at sinamantala ang pagkakataon upang makipag-ayos sa kanya. Ang karanasang ito ay nag-iwan sa kanya ng mas malalim na pag-unawa at determinasyon na mas maintindihan ang bawat miyembro ng kanyang pamilya.

Sa huli, pinawalang-sala ng hukuman si Mikkel at ang kanyang mga kaibigan. Matapos muling makamit ang kanyang kalayaan, sinubukan ni Mikkel ang iba't ibang maliit na negosyo ngunit maraming beses na siya ay nabigo. Ang motorsiklo, na ibinigay sa kanya ng kanyang kasintahan bilang kabuhayan, ay nangangailangan ng madalas na pagkukumpuni. Sa kabila ng mga hamon na ito, sa pamamagitan ng pagtitiyaga at determinasyon, nakapagloan si Mikkel para makabili ng isang bagong motorsiklo at naging isang delivery rider. At sa yugtong ito ng kanyang buhay, desidido na si Mikkel na iwanan na ang kanyang mga bisyo at sa halip ay magtuon siya sa personal na pag-unlad at pagpapabuti. Bagaman ang pagiging isang rider ay nagbibigay ng sapat na kita, nag-aalala si Mikkel sa mga utang mula sa mga nabigong negosyo. Hindi pa siya financially stable ngayon ngunit patuloy niyang pinanatili ang positibong pananaw. Naniniwala siya na sa pamamagitan ng kasipagan, matatagpuan niya ang daan patungo sa tagumpay sa kabila ng mga hadlang sa pinansyal, sa tulong ng kanyang tapat na kasintahan at pamilya. Ngayon, ang prinsipyo ni Mikkel sa buhay ay nagbago na. Ang respeto ay makakamit sa pamamagitan ng pagpapakita nito sa iba. Plano ni Mikkel na maging matagumpay na negosyante sa hinaharap. Determinado siya na tutulong din ng ibang tao tulad ng pagtulong sa kanya ng PRESO Inc. Siya ay tapat na nangako na babayaran niya ang kabutihan na kanyang natanggap mula sa PRESO Inc. Ngayong 23 taong gulang na siya, si Mikkel ay tuluyan nang nagbago at naging mabuting tao.


Comments


bottom of page