(Stories of Hope, Resiliency and Restoration - Tagalog)
Ito ang kwento ni Dante, ngayon ay 59 na taong gulang. Isang gabi noong 2020, sa gitna ng COVID-19 pandemic, may kumatok sa kanyang pintuan —isang lalaki. Ang lalaking ito ay kapatid ng kanyang katrabaho at kapitbahay malapit sa kanyang inuupahang kwarto. Habang nanonood siya ng youtube sa kanyang telepono, kahit nagtataka sa di-inaasahang pagbisita, pinapasok niya ang lalaki.
Mag-isa lamang naninirahan si Dante sa inuupahang kwarto matapos lumipat sa Maynila mula sa Bicol upang magtrabaho bilang installer sa GRM Biowood, na dalubhasa sa mga interior design ng bahay.
Nagulat na lang si Dante nang biglang sinalakay siya ng lalaki. Siya ay may dalang patalim, at inakusahan siyang nagdadala ng COVID-19 virus sa bansa. Dahil sa takot sa kanyang buhay, ipinagtanggol ni Dante ang sarili. Sa gitna ng pag-aagawan, nakuha niya ang patalim at, sa isang di-sinasadyang reaksyon, nasaksak ang lalaki sa noo.
Doon lamang nalaman ni Dante na nasawi ang lalaki dahil sa sugat. Kahit pa ito ay sa depensa sa sarili, sinampahan siya ng kasong homicide.
Sumurender si Dante sa awtoridad at naranasan niya ang 18 buwang pagkakakulong sa isang city jail at nawalan ng pag-asa sa simula ng proseso ng kanyang kaso. Napakahirap ng buhay sa loob ng kulungan lalo na noong pandemya, dahil bawal ang mga dalaw. Nawalan siya ng koneksyon sa kanyang pamilya at mga kamag-anak, maliban sa isang pinsan na tanging naging ugnayan niya sa labas. Bawal ang mga telepono sa kulungan, at kailangang magbayad ang mga preso para makatawag gamit ang kooperatiba ng kulungan. Dahil dito, hindi niya nakontak ang kanyang asawa at mga anak. Pagkatapos niyang makapagpiyansa at makalaya pansamantala, nalaman niyang iniwan na siya ng kanyang asawa at hindi na niya ito muling nakontak.
Upang malibang sa kulungan, sumali si Dante sa mga aktibidad at dumadalo sa Misa. Narinig niya ang mga kwento ng ibang mga preso tungkol sa mga taong nangakong tutulong ngunit biglang nawawala matapos silang singilin. Maraming manloloko ang nananamantala sa desperasyon ng mga preso, ayon kay Dante.
Nang marinig niya ang tungkol sa PRESO Inc. na handang tumulong sa kanya, inakala niyang isa rin itong panloloko. Ngunit dahil wala na siyang ibang pagpipilian at nawawalan na ng pag-asa ang kanyang ina—ang tanging tao na patuloy na lumalaban para sa kanya—pinagkatiwalaan niya ito. Ito ang naging turning point ng kanyang buhay. Napagtanto ni Dante kung gaano siya kapalad at naintindihan niyang hindi siya iniwan ng Diyos kahit sa pinakamadilim na bahagi ng kanyang buhay.
Pinadali ng PRESO Inc. ang kanyang maagang paglaya at sinagot ang kanyang bail. Taos-pusong nagpasalamat si Dante sa PRESO Inc., at hiniling na patuloy silang palakasin ng Panginoon upang maipagpatuloy ang kanilang marangal na misyon.
Nawalan si Dante ng trabaho sa GRM Biowood, na dati’y nagbibigay sa kanya ng matatag na kita at mga benepisyo. Sa kabila nito, hindi siya nagpatalo sa negatibong karanasan. Sa halip, itinuring niya itong isang banal na interbensyon na nagpatibay ng kanyang pananampalataya at pagkatao. Habang nasa kulungan, natutunan niyang makibagay sa iba’t ibang personalidad ng kanyang mga kasama at sumunod sa mahigpit na patakaran. Isang mahalagang aral mula sa mga authorities ng kulungan ang kanyang natutunan: “Kung hindi iyo, huwag mong nakawin, ariin, o gamitin.”
Ngayon, sa kanyang pansamantalang paglaya, masigasig na sinusunod ni Dante ang lahat ng patakaran ng korte at dumadalo sa bawat pagdinig bilang patunay ng kanyang dedikasyon sa proseso ng hustisya at sa PRESO Inc. Ipinapanalangin niya na manaig ang katotohanan, at binibigyang-diin na isa siyang mabuting tao na walang dating rekord ng krimen.
Bumalik si Dante sa Bicol kung saan nagtatrabaho siya sa konstruksiyon at bumibiyahe papunta sa Maynila para sa kanyang mga pagdinig sa korte. Sabik niyang hinihintay ang pagtatapos ng pag-aaral ng kanyang bunsong anak na kumukuha ng kursong BS Agriculture.
Nangako si Dante na patuloy na magiging mabuting mamamayan at mapagmahal na ama, pinapatunayan na ang kanyang nakaraan ay hindi magtatakda ng kanyang pagkatao.
Comments