top of page
Writer's pictureRaymund Narag

Ang Paglaya ni Nanay "Dhang"

Updated: Sep 12, 2020


Ang paglaya ni Nanay "Dhang" (di tunay na pangalan)


Siya po ay 50 years old, may pitong anak. Siya rin po ay may mental health condition. Napansin ng mga kamag-anak ang pagbabago ng kanyang pag-iisip simula nang iluwal nya ang kanyang pangalawang anak. Nakakapagtrabaho pa rin naman siya ng regular subalit kailangan siyang bantayan. Minsan daw siyang nawawala at babalik na lamang siya kung may maghahatid sa kanya.


Kaya nang nawala siya noong 17 ng Enero, 2020 at hindi bumalik, agad siyang hinanap ng mga nagmamahal sa kanya--asawa, anak at mga kapatid. Ginamit nila ang sosyal media at barangay upang humingi ng saklolo sa sinumang nakakita sa kanya... Ang palatandaan, anila: "Iisa na lang ang ngipin."


Lingid sa kaalaman ng pamilya, siya ay dinampot ng pulis dahil sa kasong Theft... Aniya, nais niyang tawagan sana ang pamilya upang siya ay sunduin...May nakita siyang Myphone na halagang PhP 1,600.00. Di siya nagpaalam sa may-ari, dagli niyang ginamit... Akala siya ay magnanakaw....Inaresto siya ng pulis. Ito ang first time niyang mahuli.


Halos dalawang buwan siya sa presinto... di man lang siya nabigyan ng pagkakataon na matawagan ng pamilya...Hanggang inabutan siya ng Covid19 lockdown.

Dinala siya sa Manila City Jail Female Dorm noong ika 3 ng Marso, 2020... Manila City Jail Female Dorm, napansin ng mga empleyado na siya ay masunurin at tahimik subalit may "kakulangan sa komprehensyon." Binigyan siya ng kaukulang pansin ng mga jail officers at ang mga kaselda niya ay nagbigay puwang sa kaniya. Laking pasasamalamat dahil sa makataong pag-aaruga ng mga jail officers katulad ni Ma'am Lilibeth.

Hanggang sa noong ika 12 ng June, 2020, inilapit siya ng Warden sa aming Community Bail Bond program. Ininterbyu siya ng aming Executive Director na si Tessie Gomez at pinuntahan sa bahay ng aming social workers na sina Solita Baltazar at Nita Mangaser... doon namin napag-alaman na matagal na siyang hinahanap ng pamilya. Matagal na silang nag-aalala. Laking pasasalamat nila na mabalitang buhay at ligtas ang kanilang mahal sa buhay. At hindi siya nahawa ng Covid19.


Nakipapagkoordinate kami agad sa korte at sa PAO lawyer. At napakabait naman po nila. Salamat muli kay Atty Persida Acosta at ang kanyang mga PAO lawyers. Napag-alaman namin na ang piyansa niya at PhpP 6,000 at handa na ang aming programa na sagutin ang halagang ito.


Habang inaayos ang kanyang piyansa: mayroon kaming bagong natuklasan: Si "Dhang" ay may release order na pala noong April 15, 2020 pa. Ito ay bigay ng judge na humahawak sa kaso. Siya daw ay lampas na sa maximum imposable penalty na apat na buwan. Pero wala pa siyang hearing kaya Hindi siya sentensiyado. Ang release order ay ipinadala sa pamamagitan ng "email". Sa kasamaang palad, sa ibang email address ito napadpad-- sa email address ng Manila City Jail Dorm. (Akala ng korte, one and the same ang jails ng male at female dorms).


Ito ay agad naming ipinaalam sa kinauukulan. Nagulat ang mga tao sa korte. "Andun pa pala siya," anila. Agad nilang ibinigay ang hard copy ng release order. At noong ika-2 ng Hulyo, matapos ang 166 araw na kalbaryo, si "Dhang" ay nakauwi na sa wakas sa kanilang bahay. Nakasamang muli ang nangulilang pamilya.


Mga bagay na aming napag-aralan:


1. Mahalaga na ipagbigay alam agad sa kamag-anak ang impormasyon ng pagkakulong. May protocol dapat ang pulis, BJMP at Provincial Jails ukol rito. Mahalaga na makuha ang address, telephone number, at mapuntahan agad ang bahay. Makipag-coodinate agad sa barangay.


2. May protocol dapat sa mga PDL na may mental health condition. Ang daming kaso na ang PDL ay nagtatagal sa jail subalit walang kakayanan ang jail na tugunan ang kanilang pangagailangan. Dapat mag-ugnayan ang PNP at BJMP sa National Center for Mental Health.


3. Mahalaga ang coordination ng jail at ng korte. Dapat siguraduhin ng korte na kung may release order, mayroon dapat feedback kung sadyang na release ang Person Deprived of Liberty.


4. Tiyaking tama ang email address. Ito ay maliit na detalye subalit may napakahalang epekto sa buhay ng mga tao...


Ito po ang kwento ng ating mga kapwa Filipino. Mga kwentong tago, mga kwentong nakakalkal ng aming programa. Sa lahat ng mga donors ng programa--heto po ang inyong mga natutulungan.



Comments


bottom of page