top of page
Writer's pictureMadelyn N. Solito

Ang Pagpapakumbaba at Pagtanggap ang Tunay na Kahulugan ng Kalayaan

(Stories of Hope, Resiliency and Restoration - Tagalog)


Noong 2018, nagkaroon ng matinding pagbabago sa buhay ni Ramon (hindi niya tunay na pangalan). Apat na kaso ang isinampa laban sa kanya: illegal possession of firearms, violation of the Omnibus Election Code, malversation of government property, at possession of drug paraphernalia. Noong panahong iyon, siya ay isang Section Chief sa isa sa mga ahensiya na nagpapatupad ng batas sa bansa. Ngunit dahil sa mga akusasyong ito, nawala sa kanya ang kanyang posisyon at lahat ng mahalaga sa kanyang buhay.


Ang kaso ng malversation ang pinakamatindi. Ito ay nagmula sa insidente kung saan inilipat niya ang isang asset sa isang safe house para maprotektahan ito. Pinark niya ang sasakyang opisyal sa isang liblib na lugar, ngunit ang sasakyan, kasama ang mga armas at kagamitan sa loob nito, ay nanakaw. Noong 2021, sinentensyahan siya ng korte ng anim na taong pagkakakulong, na kalaunan ay nabawasan sa tatlong taon sa ilalim ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) law. Natapos niya ang kanyang sentensiya at pinalaya noong taong 2021 matapos ang tatlong taong nakapiit habang inaantay ang pagdinig ng korte.


Ang iba pang kaso ay sumunod sa kaso ng malversation, na tumagal ng ilang taon. Noong 2023, na-acquit siya sa kaso ng possession of drug paraphernalia, at noong huling bahagi ng 2024, natapos na ang mga natitirang kaso.


Napakahirap ng mga taong iyon para kay Ramon. Sa panahong ito, nawala rin ang kanyang oportunidad na magsilbi bilang isang international officer para sa transnational crime operations. “Akala ko hawak ko ang aking buhay, pero iba ang plano ng Diyos,” ani niya.


Habang nasa loob ng kulungan, nagkaroon ng malalim na pagbabago sa buhay ni Ramon. Nakilala niya ang mga miyembro ng PRESO Inc., isang foundation na tumutulong sa mga preso. Sinuportahan siya ng mga ito sa legal na aspeto, binayaran ang kanyang piyansa, at nagbigay ng spiritual guide. Sina Sister Sol, Sister Nita, at Sister Tess ang naging inspirasyon niya na palaging pinapaalalahanan siya na hindi siya nag-iisa.


Sa paglalakbay na ito, natuklasan ni Ramon na ang tunay na kahulugan ng kalayaan ay hindi lamang nakabatay sa pisikal na paglaya—ito ay nasa pagtanggap sa mga pangyayari at pagpiling magbago para sa ikabubuti. Napansin niya na ang mga preso na natutong magpakumbaba at tumanggap sa kanilang kalagayan ay nakakamit makahulugang kalayaan ng isip na madalas na nagiging daan tungo sa kanilang tuluyang paglaya.


Tinulungan ni Ramon ang kanyang mga kapwa preso na ibahagi ang kanilang mga kwento. Habang nasa kulungan, nakuha niya ang respeto ng iba sa pamamagitan ng pagiging paralegal at religious activities coordinator. Tinulungan din niya silang magpadala ng balita sa kanilang mga pamilya at ibahagi ang kanilang panig ng katotohanan. Sa pamamagitan ng mga karanasang ito, natutunan ni Ramon ang mga mahahalagang aral tungkol sa pagtanggap, pagpapakumbaba, at kapangyarihan ng pagpapatawad.


Ngayon, sa edad na 61, muling binubuo ni Ramon ang kanyang buhay. Nagtatrabaho siya mula sa bahay bilang call center agent at nakatuon sa pagsuporta sa kanyang mga anak. Ang kanyang bunsong anak ay nasa kolehiyo pa, at katuwang niya ang dati niyang partner sa pagtitiyak na makatapos ito ng pag-aaral.


“Maraming bagay ang nawala sa akin, pero nakamit ko ang karunungan at kapayapaan,” ani niya. “Ang nangyari sa akin ay hindi lamang isang parusa; ito ay paraan ng Diyos para turuan akong magtiwala sa Kanya at maging mas mabuting tao.”


Ang kwento ni Ramon ay kwento ng pag-asa, katatagan, at pananampalataya. Ipinapakita nito na kahit gaano kalalim ang pagkakadapa, palaging may paraan upang bumangon muli. Ang tunay na kalayaan ay nagsisimula sa pagpapakumbaba, pagtanggap, at lakas ng loob na magbago.

_______________________________________________________________________


Kung nais nyong suportahan ang PRESO Foundation sa pagbibigay ng tulong pinansyal sa mga karapat-dapat na PDL, mangyaring makipag-ugnayan sa Foundation sa 0906-822-1625. Maaari ring makipag-ugnayan kay Ms. Nita Silva Mangaser o Sol Baltazar sa pamamagitan ng kanilang Facebook page o Messenger.

Comments


bottom of page