(Stories of Hope, Resiliency and Restoration - Tagalog)

Si Caloy (hindi niya tunay na pangalan), 56 taong gulang, ay kinasuhan sa ilalim ng RA 9262 Section 5, Violence Against Women and Children, dahil sa umano’y pananakit sa kanyang kinakasama. Ayon sa babae, tinutukan siya ng baril ni Caloy at pinagbantaan siya habang sila’y nagtatalo. Ngunit iginiit ni Caloy na walang katotohanan ang mga paratang na ito. Sa kabila ng kanyang pagtanggi, nakulong siya ng pitong buwan habang nililitis ang kaso.
Biyudo si Caloy. Namatay ang una niyang asawa at kalaunan ay nakahanap siya ng pangalawang pagkakataon sa pag-ibig sa isang babaeng inakala niyang magiging katuwang niya habang buhay. Sa kasamaang-palad, napansin niyang lumamig ang pakikitungo nito sa kanya, at natuklasan niyang may ibang lalaki itong kinakasama.
Bilang isang single parent, mag-isa niyang itinaguyod ang kanyang apat na anak, dalawa rito ay may special needs. Malaking hamon ang magtaguyod para sa kanilang lahat, ngunit nagpatuloy siya.
Si Caloy ay college graduate, nagtapos ng kursong Business Management at nakahanap ng maayos na trabaho bilang process server sa isang law firm, naghahatid ng mga subpoena at iba pang legal na dokumento. Sa kasamaang palad, namatay na ang lawyer na siyang nag-employ sa kanya.
Nang maisampa ang kaso laban sa kanya, tila nawalan siya ng pag-asa. Walang ibang matakbuhan, mag-isa niyang hinarap ang laban sa korte.
Sa kulungan, nakahanap si Caloy ng lakas sa pananampalataya. Araw-araw siyang nanalangin, dumalo sa mga pagbasa ng Bibliya, at nag-adapt sa mahirap na buhay sa loob. Sa siksikang selda, natuto siyang matulog sa sahig at gawin ang mga gawaing tulad ng paglilinis ng mga kubeta. Bilang baguhan na walang koneksyon sa mga gang, sinunod niya ang mga patakaran at unti-unting nakipagkaibigan sa ibang mga preso.

Sa kabutihang palad, dumating ang tulong mula sa mga organisasyon tulad ng PRESO Inc. Sila ang nagproseso ng kanyang early release sa pamamagitan ng pagpiyansa at patuloy na pag-monitor ng kanyang kaso hanggang sa ito ay maibasura. Binawi rin ng babae ang kanyang mga pahayag, at natapos ang kaso sa pamamagitan ng mediation at compromise agreement. Noong Hulyo 2024, tuluyang ibinasura ang kaso.
Subalit, pakiramdam ni Caloy, winasak ng relasyong ito ang kanyang buhay. Ang babaeng sumira sa kanyang buhay ay masaya na ngayon sa bagong karelasyon, habang si Caloy ay patuloy na sinusubukang buuin muli ang kanyang kabuhayan.
Sa edad na 56, nahihirapan siyang makahanap ng trabaho dahil sa diskriminasyon dulot ng kasong isinampa sa kanya, kahit na ito ay naibasura na.
Sa kabila ng lahat, lubos pa rin ang pasasalamat ni Caloy. Ang kanyang panganay ay may maayos nang trabaho bilang electrician, na nagbibigay ng suporta sa kanilang pamilya. Para sa kanyang mga nakababatang anak, gumagawa si Caloy ng iba’t ibang pagkakakitaan, tulad ng pagiging tagapaglinis o rider, upang mapunan ang kanilang pangangailangan.
Minsan na siyang naging iginagalang na opisyal ng PTA sa paaralan ng kanyang anak, at patuloy na makikita ang kanyang dedikasyon sa kanyang pamilya at komunidad. Alam niyang mahirap burahin ang stigma ng ganitong kaso, kahit pa napawalang-sala na. Ngunit nananatili siyang determinado na magsimula muli. Pangarap niyang magtayo ng maliit na negosyo, tulad ng pagbebenta ng balut, taho, o ice cream—anumang marangal at malinis na paraan upang maitaguyod ang kanyang mga anak.
“Ang Diyos ay mabuti pa rin,” sabi ni Caloy, habang patuloy siyang kumakapit sa pag-asa at lakas ng loob para sa mas maayos na bukas para sa kanyang pamilya.
Comments