top of page

Ang Pagsisimula ni Benedic

Writer: Madelyn N. SolitoMadelyn N. Solito

(Stories of Hope, Resiliency and Restoration - Tagalog)


Nakulong si Benedic dahil sa kasong VAWC (Violence Against Women and Children) matapos siyang akusahan ng kanyang dating kinakasama ng physical abuse.


Nagsimula ang gulo nang humingi ito ng ₱700 para sa upa ngunit tumanggi si Benedict. Dahil sa galit, binato nito ang kanyang bahay. Lumabas ang ina ni Benedic at nagkaroon sila ng mainit na pagtatalo. Nang lumabas si Benedic upang awatin sila, siya ang napagbintangan at tuluyang kinasuhan ng VAWC.


Limang buwan siyang nakulong sa Navotas City Jail, mula Hulyo hanggang Nobyembre 2024. Bago siya naaresto, kakaresign lang niya bilang coke dicer sa isa sa pinakamalalaking grocery store sa Malabon. May dalawang anak sila ng kanyang dating kinakasama, na naiwan sa kanya matapos ang kanilang tatlong taong relasyon na hindi natapos nang maayos dahil ang babae ay mahilig magsugal.


Mahirap ang buhay sa loob ng kulungan, ngunit dito natagpuan ni Benedic ang Diyos. Natutunan niyang manalangin, lalo na tuwing namimiss niya ang kanyang mga anak. Naging aktibo siya sa mga programa sa loob ng kulungan, kabilang ang mga Bible study, at natutunan niyang ang pagpili ng tamang kapareha ay mahalaga sa pagkakaroon ng payapa at masayang buhay.


Humingi siya ng tulong sa BJMP (Bureau of Jail Management and Penology), na nagrekomenda sa kanya sa PRESO Inc. Dahil ito ang kanyang unang kaso at wala siyang criminal record noon, kwalipikado siya para sa Community Bail Bond Program. Sa tulong ng PRESO Inc., na-dismiss ang kanyang kaso at nakalaya siya noong Nobyembre 2024.



Ngayon, sa edad na 26, determinado si Benedic na bumangon muli. Nag-aral siya ng culinary arts ngunit hindi natapos ang kanyang kurso. Pangarap niyang makapag-ipon upang makapagpatayo ng isang carinderia. Sa ngayon, nagtatrabaho siya bilang room attendant sa isang hotel upang maitaguyod ang kinabukasan ng kanyang mga anak at sana’y matapos din niya ang kanyang pag-aaral.


Lubos ang pasasalamat ni Benedic sa PRESO Inc., dahil kung wala ang kanilang tulong, posibleng nasa kulungan pa rin siya ngayon. Naniniwala siyang ang PRESO Inc. ang tanging pag-asa ng mga PDL (Persons Deprived of Liberty) na walang-wala sa buhay—lalo na ang mga first-time offenders na handang magbago. Umaasa rin siya na ang mga natulungan ng PRESO Inc. ay tunay na magbabago at hindi na kailanman muling makukulong.


Sa bagong direksyon ng kanyang buhay, nakatuon si Benedic sa pagpapabuti ng kanyang sarili, pagpapatatag ng kanyang kinabukasan, at pagiging responsableng ama sa kanyang 7 at 3 taong gulang na mga anak.

Comentários


© 2018 PRESO Inc.

SEC Reg. # CN201823985

Background Image by Manila City Jail

Visitors

bottom of page