top of page
Writer's pictureNita Mangaser

Ang Pera, Pinaghihirapan… Hindi Madalian

Updated: Sep 12, 2020


Si Gerry ay 18-taong gulang. Pangalawa siya sa anim na magkakapatid at lumaking hiwalay ang mga magulang niya. Sinama silang magkakapatid ng Nanay na tumira sa San Pedro, Laguna kasama ang mga magulang ng Nanay nya. Doon lumaki si Gerry at kalaunan ay lumuwas siya papuntang Maynila para solong tumira sa kanyang Tatay na kasama naman ang magulang at kapatid nito.


Dala ng kapusukan ng pagiging binata ay nabuntis niya ang kanyang girlfriend na si Angel, 17-taong gulang. Pinanindigan niya ang pagiging ama niya at sinamahan niya si Angel habang nagbubuntis. Sa kasamaang-palad, dulot na rin ng kawalan ng trabaho at pangangailangan ng kagamitan at pang-check up sa duktor ang kanyang girlfriend, ay nasangkot si Gerry sa isang krimen. Dulot ng pagsama-sama sa barkada niya na karamihan ay hindi masyadong kilala, nayaya sya sa isang pagnanakaw o Theft.


Sa murang edad, natikman niya ang makulong ng limang buwan. Habang nasa piitan, sinikap ni Gerry na makapagbago. Dahil na rin sa good behaviour at napagsilbihang buwan, minabuti ng Paralegal Unit Jail Officer ng jail na irekomenda si Gerry sa Community Bail Bond Program ng PRESO, Inc. Sa aming masusing interview, nabatid namin na si Gerry ay nagkapagtrabaho bilang service crew dati nguni’t natapos an kontrata niya. Naging gipit ang sitwasyon nila ng Angel. Wala naman daw siyang matakbuhan para makahingi ng tulong sapagkat si Tatay ay wala ring trabaho. Kaya’t nangyari ang hindi inaasahan.


Noong bumisita kami sa kanilang tirahan sa Tondo, nadama naming ang kabaitan ng pamilya ni Gerry at lubos ang tuwa at pasasalamat nila na may grupo tulad ng PRESO, Inc. na handang tumulong sa katulad nila. Anuman daw ang pinagdaanan ni Gerry, handa pa rin silang suportahan ito. Sinabi namin na kailangang mabantayan pa rin si Gerry hangga’t hindi pa tapos ang kaso niya at sa halip ay pagtulungan na magbago ang direksyon ng buhay nito.



Matapos naming ayusin ang mga required documents at bayaran ang Php 6,500.00 na bail bond ay dumating din ang araw ng paglaya ni Gerry. Masayang masaya siyang nakapiling muli si Tatay, Lolo at Lola. Lalong tumindi ang saya niya nang makasama muli si Angel at ang kanilang parating na baby na nagsisilbing inspirasyon nya. Nangako si Gerry na lalayo sa masamang barkada at patuloy na magsisikap na mapaunlad ang sarili, makatulong sa pamily at mapalaki ng maayos ang kanyang anak.

Sa ngayon habang pansamantalang nakalaya, nagtatrabaho bilang isang construction worker si Gerry, bagama’t hindi regular. May isa ring partner-Foundation kami sa Tanay na kinukuha syang tumulong habang itintayo ang kanilang Skills Training Center.


Marami pang pagdadaanan si Gerry-tukso, hirap at pagod. Pero marahil, pinagtibay ng kulungan ang loob ni Gerry na kahit papano, kahit bata pa, ay maagang matututong tumayo sa sarili sa tulong din ng mga mahal nya sa buhay. Ang leksyon? Ang pera, dapat pinaghihirapan, hindi nakukuha sa madalian.


Comentários


bottom of page