top of page
Writer's pictureMadelyn N. Solito

Ang Tahimik na Pakikipaglaban ng Anak na Makamit ang Mabuti at Mapayapang Buhay (Stories of Hope, Resiliency and Restoration - Tagalog)

Updated: Sep 16

Kristine (hindi niya tunay na pangalan) ay 4th year college na kumukuha ng kursong psychology, isang landas na pinili niya dahil sa isang matinding karanasan na nag-iwan ng sugat sa kanyang pagkatao. Noong 2020, matapang na nagpasya si Kristine na magsampa ng kaso laban sa kanyang ama matapos nitong saktan nang labis ang kanyang nakababatang kapatid na babae. Nangyari ang insidente nang lasing ang kanilang ama at sinubukang disiplinahin ang kanyang 16-anyos na kapatid dahil minsan ay gabi na nang ito’y nakauwi. Bagaman maituturing na marangal at kinakailangan ang disiplanahin ng isang ama ang kanyang mga anak, labis nitong nasaktan ang anak na nagdulot ng matinding pasa at trauma sa kanyang anak.


Ayon kay Kristine, karaniwan namang tahimik at mabuting tao ang kanyang ama, ngunit ang kanyang pag-inom ng alak ang nagdudulot ng maraming problema sa kanilang tahanan. Ang kanyang pag-uugali ang nagdala ng takot at stress sa kanilang pamilya.


Ang kanyang ama ay naipakulong sa Quezon City Jail noong Enero 23, 2021. Ang desisyong ito ay tinutulan ng mga kamag-anak ng kanyang ama, na inaakusahan siyang walang "utang na loob" sa kanyang ama. Gayunpaman, para kay Kristine, ang kaligtasan ng kanyang kapatid at ina ang kanyang pangunahing prioridad, at pinili niyang huwag pansinin ang mga negatibong komento mula sa kanilang mga kamag-anak.


Ang ina ni Kristine ang pangunahing naghahanapbuhay sa kanilang pamilya at isang masipag na manggagawa. Siya ay nagbebenta ng processed meat, at nagsisilbi rin sa isang task force sa Quezon City na nagpapatupad ng mga batas tungkol sa helmet para sa mga nagmomotorsiklo.


Habang ang kanyang ama ay nasa Quezon City Jail, nagpakita ito ng malaking pagbabago sa ugali, aktibong nakikibahagi sa iba't ibang aktibidad sa loob ng bilangguan, kasama na ang pag-aaral ng Bibliya.


Sa tulong ng PRESO Inc., ang ina ni Kristine ay nag-file ng affidavit of desistance sa ngalan ng kanyang mga anak, na nagresulta sa permanenteng pag-dismiss ng kaso. Ang Preso Inc. ang nanguna sa pag-aasikaso ng maagang pagpapalaya ng ama ni Kristine, at sila rin ang nagbigay ng mahalagang suporta sa pamilya sa panahong ito. Nang makita ng Preso Inc. ang potensyal ni Kristine at ang kanyang dedikasyon sa patuloy na pag-aaral, inirekomenda nila si Kristine sa isang partner organization na nagbibigay educational assistance.


Upang suportahan si Kristine sa pagtatapos ng kanyang pag-aaral, regular na nagbibigay ng educational assistance ang partner agency na ito. Nag-alok din ang organisasyon ng mga pagkakataong makibahagi si Kristine sa mga social activities, na nakatulong sa kanya na malampasan ang trauma at takot. Namangha ang lahat nang makita ang kanyang bagong kumpiyansa at talento nang siya ay napiling mag-host ng isa sa mga event ng organisasyon.


Simula nang makabalik ang kanyang ama sa kanilang tahanan noong Agosto 18, 2021, napansin ni Kristine na nabawasan ang pag-inom nito ng alak at mas tumutulong na ito sa mga gawaing-bahay. Nagluluto at naglalaba ito habang ang ina ni Kristine at ang kanyang nakababatang kapatid ay nagpapatakbo ng maliit na negosyo sa pagbebenta ng tocino. Sa kabila ng mga positibong pagbabago, patuloy na umaasa at nagdarasal si Kristine na tuluyang gumaling ang kanyang ama mula sa pagkakalulong sa alak upang mabuhay sila ng isang normal at masayang buhay.


Si Kristine ay nagtatrabaho rin sa isang BPO company habang nag-aaral. Ayon sa kanyang mga katrabaho, si Kristine ay laging abala at hindi nasasayang ang oras. Palagi siyang nakikitang nagtatrabaho o nag-aaral. Ang kanyang dedikasyon at determinasyon na malampasan ang mga hamon sa pamilya at kahirapan ay nagbibigay inspirasyon sa kanila.


Ipinaliwanag ni Kristine na ang kanyang sahod ay nagagamit sa mga gastusin sa bahay at sa kanyang pag-aaral. Binibigyang-diin niya ang kahalagahan ng tamang pamamahala sa oras, pasensya, at pag-unawa sa behavior ng kanyang ama.


Si Kristine ay nagsusumikap na maintindihan ang kanyang ama, at naniniwala siya na ang pag-alam ng tunay na dahilan ng problema ay susi sa pagpapagaling. Determinado siyang tapusin ang kanyang kursong psychology at gamitin ang kanyang natutunan upang matulungan ang kanyang pamilya at ang iba pang dumaranas ng katulad na mga problema. Ang kanyang layunin ay magbigay ng suporta sa mga dumaraan sa parehong pagsubok.

Comments


bottom of page