Hindi kailanman naisip ni Jojo (hindi tunay na pangalan), 23 anyos gulang at taga-Bulacan, na magbabago ang kanyang buhay nang bumisita siya sa kanyang kapatid na babae sa Navotas ng ilang lingo noong 2022.
Isang araw, habang nasa impluwensiya ng alak, nagtungo sina Jojo at ang kanyang biyenan sa isang maliit na tindahan sa kapitbahayan. Nadatnan nila sa tindahan ang isang magkasintahan. Nag-umpisa ang lalaki na akusahan ang kanyang biyenan na nakatingin nang may pagnanasa sa kanyang kasintahan. Kaya naman, nagdesisyon si Jojo at ang kanyang pinsan na umalis sa tindahan upang maiwasan ang anumang gulo.
Bagamat kahit lasing pa rin, bumalik na naman sina Jojo at ang kanyang biyenan sa parehong tindahan. Sa kasamaang palad, naroon pa rin ang magkasintahan. Sa kanilang pagbalik, si Jojo naman ang napagbintangan. Sinabi niyang maaaring aksidenteng nahipo o nahaplos niya ito habang lasing, ngunit hindi niya maalala nang mabuti. Sa kabila ng kanyang paliwanag, si Jojo ay nakasuhan at ipinadala sa bilangguan noong Oktubre 2022 dahil sa kasong acts of lasciviousness.
Pinanatili ni Jojo na wala siyang intensyong hipuan ang babae, Nahihirapan syang maunawaan kung bakit siya naparusahan ng ganito. Isang taon siyang nagtiis sa bilangguan at labis na naguguluhan sa nangyari. Naisip nya na siya nama’y matino at masunurin sa batas. Sa katunayan, sabi ni Jojo, sa murang edad na13, nag-umpisa na siyang magtrabaho bilang construction worker upang matulungan ang pamilya. Kailan ma’y hindi siya nagdulot ng anumang gulo sa kanyang pamilya.
Sa bilangguan, hindi inaasahan ni Jojo na makikita pa niya ang kalayaan. Sa kanyang kaso na mahirap intindihin, nadama niyang baka siya'y tatanda na lamang sa likod ng mga rehas. Siya ay hindi nakapagtapos ng elementarya, nahihirapang magbasa at sumulat. Ngunit sa kanyang madilim na selda, doon sya natutong magdasal. Sa panalangin nya naramdaman ang kapayapaan at lakas ng loob. Sinikap din niyang magpakabait upang patunayan na mabuti siyang tao.
Pagkatapos ng isang taon, tumulong ang PRESO Inc. sa pamamagitan ng kanilang Community Bail Bond Program. Labis na namangha si Jojo at hindi inasahang may isa palang organisasyong tulad nito na bagaman wala siyang impluwensya, edukasyon, o pera, nagtiwala ang PRESO Inc. at syang nagbayad sa kanyang piyansang nagkakahalaga ng PHP18,000.00.
Habang nililitis ang kaso, wala ring lumabas na testigo laban sa kanya. Pati ang magkasintahan ay hindi dumadalo sa mga pagdinig. Sumipot si Jojo sa lahat ng pagdinig, nangangarap na sana’y magtagumpay ang katotohanan. Sa wakas, noong Setyembre 2023, siya’y napatunayang walang sala.
Nagpapasalamat si Jojo sa PRESO Inc. sa kanilang hindi mapapantayang suporta. Sabi ni Jojo na hanggang ngayon kahit nakalaya na, pinupuntahan siya sa Bulacan ng PRESO Inc upang kamustahin at siguruhing siya ay nasa tamang landas. Ipinapahayag niya ang kanyang paghanga sa patuloy na paghihikayat sa kanya ng PRESO Inc. na magsumikap para sa isang mas magandang buhay.
Nang makalaya, agad na tumulong si Jojo sa kanyang ama sa pagtatayo ng mga proyektong pabahay. Ang kanyang ama ay isang katiwala ng isang contractor. Kaya naman sa lahat ng housing projects nito, kasama ang buong angkan pati na rin Jojo bilang manggagawa. Ito ang kanilang pangunahing pinagkukuhanan ng kita. Bilang isang benepisyo, pinahintulutan silang itayo ang kanilang bahay sa lupa mismo ng contractor.
Ipinahayag ni Jojo ang kanyang desisyon na hindi na babalik sa Maynila, dahil naging bangungot sa kanya ang nakaraang pagbisita rito.
Mahusay si Jojo sa paghalo ng graba at buhangin. Sa kabila ng kanyang kakulangan sa edukasyon, malinaw ang kanyang layunin. Inilalaan niya ang mahabang oras upang buhayin nang tama ang kanyang anak mula sa nakaraang relasyon. Siya ay determinadong gumawa ng isang mas magandang kinabukasan.
Sa bawat istrakturang tinutulungan niya na itayo, binubuo rin niya ang PAG-ASA para sa kanyang sarili at sa kanyang anak.
Comments