Si Josephine, 32 taong gulang ay isang Nanay na may limang anak. Ang panganay ay anak niya sa unang partner niya, at sa pangalawa ay may 4 silang anak na ang bunso ay 2 taong gulang lang. Ang live-in partner nya ngayon ay nakakulong sa City Jail. Nagkalayo na rin sila ng kanyang mga magulang. Dala ng sobrang kahirapan, siya ay araw araw nagbebenta ng mineral water sa may park malapit sa Ermita, Manila. Sa kasamaang palad, noong February 20, 2020, sya ay nahuli dahil daw sa pagbebenta ng parang solvent or volatile substance na mariin nyang tinanggi. Habang siya ay nasa jail lahat ng anak nya ay kinupkop muna ni Zeny na kanyang kapatid.
Noong July 7, 2020, hinanap namin ni Sister Sol ang bahay ni Zeny sa may San Andres Bukid, Manila, wala kaming numero ng bahay o street man lang. Ang tanging hawak namin ay isang sketch na si Josephine ang gumawa. Sa halos 2 oras naming paikot ikot doon, lahat ng matanungan namin ay walang maisagot. Sa sobrang pagod ibig na naming umuwi. Hanggang sa nakita namin ang opisina ng Barangay. Pinasamahan kami ng isang Kagawad sa kanyang tauhan, nag tatanong tanong na kung may kilala sila na Zeny at sa patuloy naming pagtatanong habang naglalakad, narinig kami ng isang bata at sinabing si Zeny yang kanyang Tita. Tinanong ko siya kung may kakiilalang Josephine, sagot ng bata, “Nanay ko po yon,” at sa puntong yun halos parang biglang nawala ang pagod namin.
Nang matunton namin ang maliit na kwartong tinutuluyan ni Zeny at mga anak ni Josephine, tinawagan namin ang Jail kung pwede maka Video call ng mga bata si Josephine at pumayag naman. Sa maikling kamustahang yun ng magiina, halong tuwa’t lungkot ang nabakas sa mukha ng nasorpresang ina. Ang mga bata naman ay naguunahang masilip sa celphone video ang ina at sinsabing “miss na miss ka na namin Nanay, kaylan ka ba uuwi?” Ang bunsong anak naman ay halos hindi nakilala si Josephine. At nang mamamaalam na, duon na tuluyang nagiyakan ang magiina. Hindi ko na rin namalayan na pumapatak na rin pala ang luha ko. Sa huli ang maririnig nalang ay “I Love you Nanay... uwi ka na.”
Dalawang Linggo namin nilakad ng PRESO Foundation ang mga Bail requirements ni Josephine. Naging mahirap ngunit natapos din sa pag approve ng Motion to Reduce Bail. Ginabayan talaga kami ni Lord. Finally, napyansahan din namin sya sa halagang P24K.
At nuong August 6, 2020 sya ay nakalaya rin matapos ang 6 buwan ng pagkakulong sa jail. Bagama’t picture lang ang nakita namin nung hinatid sya ng Barangay at sa kanyang mga anak, batid naming lubos ang kasiyahan ng magiina. Sa gitna ng kahirapan ng kanilang buhay, masaya silang magkakasama. At pihadong muling maririning ni Josephine pagsalubong ng mga bata ang mga maliliit na sigaw na “I Love you Nanay”!
(Update: Nuong 11 August 2020, nagkaroon ng video conference si Josphine na syang unang hearing matapos syang magplead ng ‘not guity’ sa arraignment. Ang hearing ay isinagawa sa loob ng opisina ng Ideals Inc. ang partner-organisasyon ng Preso Inc.)
Comments