top of page
Writer's pictureMadelyn N. Solito

Isang Matinding Leksyon sa Buhay (Stories of Hope, Resiliency and Restoration - Tagalog)

Updated: Jun 10

Isang malaking bagay na pinagsisihan ni Robert (hindi tunay na pangalan) ay ang pagkalasing nito sa alak. Sa pagmumuni-muni sa kanyang nakaraan, napagtanto ni Robert na ngayon ay 23 taong gulang, na dapat talagang umiwas ito sa pagkalasing, at nang hindi na niya sana naranasan ang pagkakulong sa Navotas City Jail.

Isang araw, inanyayahan siya ng kaibigan na mag-inuman sa isang lamay. Dahil pagod mula sa mahabang araw ng pagtatrabaho sa isang fish port sa Navotas, inisip ni Robert na gusto niyang magrelax. Habang nag-iinuman, nakipagbiruan si Robert sa kanyang mga kainuman. Ngunit hindi nagustuhan ng isang kainuman ang biro nito.


Nauwi sa away ang sana’y masaya nilang pagtitipon. Dahil parehong lasing, emosyonal at puno ng galit, nagkasakitan silang dalawa ngunit mas malaking pinsala ang natamo ng kainuman ni Robert at ito ay naospital. Sa mga sumunod na mga araw, sinampahan si Robert ng frustrated homicide at dinala sa kulungan noong Marso 4, 2022.


Si Robert ay nagtrabaho bilang "batilyo" sa isang pantalan ng isda sa Navotas mula nang siya ay 15 taong gulang pa lamang. Ang kanyang pangunahing responsibilidad ay ang pumili ng magandang isda at paghiwalay-hiwalayin ang mga ito ayon sa uri at kalidad nito.


Bilang pangunahing taga suporta ng kanyang pamilya, isang papel na ginampanan ni Robert matapos mamatay ang kanyang ama, itinalaga ni Robert ang kanyang sarili upang tulungan ang kanyang ina sa pagpapalaki sa siyam nilang magkakapatid.


Malugod niyang ipinahayag na wala siyang kriminal na rekord. Sa kabila ng hirap ng kanyang trabaho, pagod at puyat, patuloy na nagpupursigi si Robert na magtrabaho nang masikap upang suportahan ang kanyang pamilya.


Nang makulong si Robert ang kanyang pamilya ay tuluyang nakaranas ng sobrang hirap sa pagkawala ng kanilang tagapagtustos.


Hindi naisip ni Robert na tutulong ang PRESO Inc. upang makalaya siya mula sa kulungan. Dahil walang edukasyon, impluwensya, o koneksyon, hindi niya inasahang makakalabas pa siya ng kulungan.


Gayunpaman, isang empleyado ng Navotas City Jail, na nagpatunay sa kanyang mabuting asal at pag-uugali, ang nagrekomenda sa kanya sa Community Bail Bond program ng PRESO Inc.. Bilang resulta, si Robert ay pansamantalang pinalaya noong Hunyo 2022 matapos ang tatlong buwan habang ang kanyang kaso ay dinidinig pa . Nagbigay ang PRESO Inc. ng pang piyansa at naayos na ang kanyang pansamantalang paglaya.

Sumumpa si Robert na hindi na siya magpapakalasing sa alak sa buong buhay niya. Pangako niya sa kanyang sarili na hindi na siya babalik sa kulungan. Ang buhay sa kulungan ay mahirap; limitado ang galaw, at limitado ang pagkain. Pinagdaanan niya ang patuloy na gutom sa loob ng tatlong buwan na iyon, na tila ang pinakamatagal niyang bangungot.


Plano ni Robert na magtrabaho at lalong magsikap para sa kanyang nanay at mga kapatid. Ang kanyang mga kapatid ngayon ay nagtatrabaho rin sa pantalan ng isda sa Navotas. Sa panahon na walang gaanong mahuhuling isda, naghahanap si Robert ng ibang pagkakakitaan para sa ang kanyang pamilya. Siya ay nagtatrabaho bilang construction worker, house painter, o kahit na pahinante — anuman ang makakapagbigay sa kanya ng marangal na kita.


Nagpapasalamat si Robert sa PRESO Inc. at siya ay natulungang makalabas ng kulungan. Bilang ganti, pinaalalahanan ni Robert kung sino man ang makabasa ng kanyang kuwento na manatiling kalmado at mahinahon sa anumang sitwasyon at mag-isip nang mabuti bago gumawa ng anumang marahas na hakbang. Mahirap ang buhay sa kulungan, at hindi niya nais na may iba pang makaranas ng ganun.

Comments


bottom of page