top of page
Writer's pictureRaymund Narag

Kalayaan Para Kay Nanay Rosa

Updated: Sep 12, 2020


Heto po si Nanay Rosa* (di tunay na pangalan). Siya po ay lumaya noong ika-1 ng Junyo, 2020 matapos ang labin-isang buwang pangungulungan. Opo, halos isang taon ang nawala sa kanyang buhay.


Narito po ang kanyang kwento.


Noong July 15, 2019, habang naglalaba sa kanyang bahay sa may Makati, ni-raid ng pulis ang kanilang lugar. Ang target ay ang kanyang pamangkin na gumagamit daw ng shabu. Magkatabi ang kanilang barung barong. Magkasamang silang nahuli at dinala sila sa Makati City Jail Male and Female Dorm. Nakasuhan sila ng Violation ng Republic Act 9165, Sec 11 (o illegal na paggamit ng droga).


Nagkaroon ng drug testing at nalamang silang dalawa ay negatibo sa shabu. Pahayag nin Nanay Rosa, kailanman, di siya gumamit ng shabu. Subalit sa bagal na takbo ng kaso, pinayuhan na lang silang umamin at magplea bargain. Nahatulan sila ng anim na buwang pangungulungan noong ika-8 ng Pebrero, 2020.


Lumaya agad ang kanyang pamangkin. Served sentence na raw. Sa kasamaang palad, si Nanay Rosa ay may kapangalan sa isang kaso sa Quezon City. Kung kaya't siya ay nailipat sa Quezon City Jail Female Dormitory. Ang bago niyang kaso ay bouncing check na five counts. Giit niya na di siya ang taong iyong. Giit niya, kailanman di siya nag-isyu ng tseke. Grade 5 lang ang kanyang inabot at di man lang siya nagkaroon ng bank account. Hanggang sa maabutan na siya ng Enhanced Community Quarantine at tumigil ang lahat ng hearing sa korte.


Sa Jail, nalaman na siya ay mabait at masunurin. Siya ay sumasali sa lahat ng gawaing spiritual. Napag-alaman din na kung may pera lang sana siyang pampiyansa na halagang PhP 10,000, siya ay makakauwi na sa kanyang bahay.

Sa tulong ng butihing Warden na si Supt Maria Lourdes Pacion at paralegal officer na si Sinned Boozer, idinulog nila ang kaso ni Nanay Rosa sa aming Community Bail Bond program. Nalaman ni Sister Tessie Gomez, ang aming Executive Director, sa pamamagitan ng phone interview, ang ilang pang detalye sa kanyang buhay. Napag-alaman namin na siya ay first time nonviolent low risk case. Sa paglalakad ni Solita Baltazar na aming volunteer at sa tulong ng Public Attorney's Office (salamat kay Chief PAO Persida Acosta sa endorsement), pinilit naming bayaran ang piyansa ni Nanay Rosa na galing naman sa anonymous donors. At matapos ang halos isang linggong pabalik-balik sa bangko, korte, barangay at kung anu-ano pang opisina, lumaya na rin si Nanay Rosa.

Susubaybayan namin ang kanyang paglaya. Makikipartner kami sa grupo ni Jaycee Dela Cruz ng Isaiah 61:1 upang may kakalong sa kanya sa kanyang bagong panimula. Sisiguraduhin rin namin siya ay magpapakita sa korte kapag siya ay tatawagin sa hearing. Hahanapan din namin na paraan na siya magkaroon ng regular na trabaho.

Samakatuwid, tutulungan namin siyang mabuo muli ang kanyang dignidad bilang tao. Ipapadama namin ang tunay na pagkalinga sa kapwa Pilipino.

Tulungan nawa kami ng Diyos.



Comments


bottom of page