top of page
  • Writer's pictureNita Mangaser

May Bukas Pa: A Scavenger’s Tale

Isa sa pinakamahirap na desisyon na minsan ay kinakaharap ng PRESO Inc. ay kung tutulungan naming mapyansahan ang isang qualified naman na nakapiit pero walang bahay o lugar na titirahan sa araw araw. Minsan kasi, kapag nagpalaboy laboy lang sa kalsada at walang maayos na trabaho, mainit ang mga mata ng mga tao at madali syang pagbintangan. Dito kadalasan doble ang nagiging trabaho ng Case Worker dahil kailangang ma-trace pa kung saan at sino ang totoong kamaganak ng bilanggong iyun.


Isang halimbawa ay si Jaybee na tubong Tacloban City, Leyte. Matagal na din na namamasura at nakatira sa kalye at natutulog sa isang jeepney lamang. Hindi na sya makauwi lalo na nitong pandemic. Sa kuento nya, nadamay sya sa isang pagnanakaw nang hindi nya naiintidihan kung pano. Nang isang araw daw na siya ay bibili sana ng kanilang mauulam, may isang lalaki na mabilis na tumatakbo at halos inihagis sa kanya ang bungkos na pera na nagkakahalaga ng 600 pesos. Dahil sa siya ay nagulat, hinawakan niya ang pera na yun pala ay nakaw, kaya sa kanya nabaling ang mga pulis at siya ang kinulong.


Sa paulit ulit na kuentong ito, mismong abogado nya ay kumbinsido na wala syang sala kaya inilapit sa PRESO Inc. Awang awa ang abogado dahil sa Police Station ay ni wala man lang regular na budget sa pagkain kaya’t minsan ay dinadalhan ko sya ng makakain. Sa pagka-interview ko kay Jaybee, aming nalaman na wala siyang kamag anak dito, dahilan para ma-delay ang pagpyansa sa kanya. Ngunit may kapatid din daw sya na may Facebook kaya’t ito ang sinikap kong hanapin at kontakin. Isang linggo ang lumipas bago sumagot ang kapatid sa akin. Napagalaman naming may isang malayong kamaganak sila na handang kumupkop kay Jaybee kung sakaling matutulungan ng PRESO, Inc. sa pamamagitan ng Community Bail Bond Program.

Doon na namin nilakad ang mga papeles na kailangan sa pag-pyansa. At nitong December 11 tuluyan na syang nakalabas. Habang nakalaya pansamantala, si Jaybee ay kinuha na ring casual construction worker ng relative na ito na isa palang Foreman at namamahala sa pagpapagawa ng isang building sa Manila. Sa hinaba haba ng panahon na halos mag mistulang pulubi, naniwala si Jaybee na may awa ang Panginoon, na may bukas pa talaga. Sana nga tuloy tuloy ang magandang kuwento ng buhay ni Jaybee... a scavenger no more!

Comments


bottom of page