top of page
Writer's pictureMadelyn N. Solito

Muling Pagkamit ng Kapayapaan

(Stories of Hope, Resiliency and Restoration - Tagalog)


Ang sakit na nararamdaman ni Jomar Salvador (tunay na pangalan) ay nagmumula sa malalim na alitan sa pagitan ng kanyang pamilya at ng pamilya ng kanyang asawa. Ang dating maayos na ugnayan ay nasira dahil sa walang tigil na palitan ng masasakit at mapanirang salita.


Isang araw, matapos ang nakakapagod na trabaho bilang kargador sa fish port sa Navotas, umuwi si Jomar upang magpahinga. Limang oras lamang ang pahinga niya araw araw nang dahil sa trabaho nito. Ang kanilang tahanan, na tinitirhan ng extended family, ay masikip at kulang ang espasyo para sa lahat. Nang araw na iyon, nasa ospital ang kanyang asawa upang kumuha ng mga dokumento para sa kanilang bagong silang na anak. Pagpasok ni Jomar sa kanilang kwarto, nadatnan niya ang kanyang 14-anyos na bayaw na babae sa loob.


Ayon kay Jomar, pinakiusapan niya ang dalagita na lumabas dahil gusto niyang magpahinga. Ngunit nag-atubili itong umalis dahil nagtatago ito mula sa kanyang mga magulang matapos mag-cutting classes. Sa kabila ng pakiusap ni Jomar, nanatili ang dalagita sa kwarto habang siya ay nagpapahinga.


Sa di-inaasahan, biglang umiyak ang dalagita at inakusahan si Jomar ng pangmomolestiya. Sinubukan ni Jomar ipaliwanag ang kanyang panig, ngunit walang naniwala sa kanya, kabilang na ang kanyang mga biyenan. Pati ang pulis ay nagduda sa kanyang pagiging inosente. Kinasuhan siya ng acts of lasciviousness.


Nakulong si Jomar sa Navotas City Jail nang isang buwan. Sa loob ng kulungan, nanalangin siya sa Diyos para humingi ng tulong, pakiramdam niya ay walang nakikinig sa kanya. Bilang breadwinner ng kanyang pamilya, labis niyang inalala ang kanyang asawa at anak.


Hanggang isang araw, sinagot ng Diyos ang kanyang panalangin. Nakilala niya ang PRESO Inc., isang organisasyong tumutulong sa mga first offenders, low risk at mahihirap na mga inmates. Hindi kailanman inakala ni Jomar na mayroong organisasyong tulad ng PRESO Inc. na handang tumulong sa mga tao—guilty man o hindi—basta’t nakikita ang potensyal para sa pagbabago


Inirekomenda ng mga jail guard si Jomar at naniniwalang pasok ang kaso niya sa mga pamantayan ng PRESO Inc. para ito ay matulungan. Sa kanilang suporta, nakalaya si Jomar sa piyansa, at tuluyang naibasura ang kaso noong Mayo 2024.


Sa kasalukuyan, nagtatrabaho si Jomar bilang kargador sa isang hardware store at may mga sideline sa Divisoria upang masuportahan ang kanyang pamilya. Nagpasya silang mag-relocate sa Tondo, kung saan sila ngayon nakatira sa barracks na ibinigay ng kanyang bagong employer para sa mga manggagawa.


Gayunpaman, nananatiling masalimuot ang relasyon nila sa kanyang mga biyenan, at patuloy ang hidwaan sa pagitan ng dalawang panig. Umaasa si Jomar na balang araw, maghihilom ang sugat ng nakaraan at makakadalaw siya sa kanila nang walang pag-aalinlangan.


Sa kabila ng mga hamon, lubos na nagpapasalamat si Jomar sa PRESO Inc. sa pagligtas sa kanya mula sa napakahirap na karanasang ito. Nangangako siyang magiging mabuting tagapagtaguyod ng kanyang asawa at anak at patuloy na maging isang mapagmahal na anak sa kanyang mga magulang, habang pinagsisikapan ang pagkamit ng kapayapaan ng isipan habang patuloy na lumalaban sa buhay.

_________________________________________________


Kung nais niyong suportahan ang PRESO Foundation sa pagbibigay ng tulong pinansyal sa mga karapat-dapat na PDL, mangyaring makipag-ugnayan sa Foundation sa 0906-822-1625. Maaari ring makipag-ugnayan kay Ms. Nita Silva Mangaser o Sol Baltazar sa pamamagitan ng kanilang Facebook page o Messenger.

Comments


bottom of page