(Stories of Hope, Resiliency and Restoration - Tagalog)
Noong Pebrero 1, 2022, isang gabi na puno ng pangarap at simpleng hanapbuhay, si Rudy ay abala sa kanyang sideline bilang habal-habal driver maliban sa pagiging full-time na Food Panda delivery rider. Karaniwan na sa kanya ang maghanap ng pasahero upang madagdagan ang kita para sa kanyang pamilya.
Bandang alas-otso ng gabi, habang nag-aabang ng pasahero, napansin niya ang isang buntis na babae, tantyang nasa dalawampu’t walo ang edad. Lumapit ito at nagtanong kung maaaring ihatid siya sa isang lugar. Wala namang nakitang masama si Rudy at dahil sa kanyang malasakit, agad siyang pumayag.
Tahimik lamang ang babae habang nasa biyahe. Nang makarating sa destinasyon, bumaba ito sa harapan ng isang bahay at napansin ni Rudy na matagal itong mag-abot ng pamasahe.
Makalipas ang ilang segundo ng pag-aantay sa kanyang bayad, muling nag-request ang babae na ihatid siya sa isa pang lokasyon. Kahit na inabot na siya ng ilang oras sa biyahe, hindi siya makatanggi. Habang nag-u-turn siya upang muling bumiyahe, isang sasakyan ng pulis ang sumalubong at biglang humarang sa kanila. Nabigla si Rudy nang akmang bubunot ng baril ang pulis na nag-utos na siya ay huminto.
"Ano pong problema? Bakit niyo ako hinarang?" tanong niya, naguguluhan sa sitwasyon.
"May itinapon kayo sa loob!" sigaw ng isang pulis.
Nanlumo si Rudy. Wala siyang alam sa sinasabi nila. Pinilit niyang ipaliwanag na namamasada lamang siya at wala siyang kinalaman sa kung ano man ang nangyari. Pero hindi siya pinakinggan. Pilit siyang pinababa sa kanyang motor, kinuha ang kanyang susi, at hinarass ng mga operatiba.
Hindi rin nagsalita ang buntis. Walang kahit anong paliwanag o pagtatanggol mula sa kanya. Natulala si Rudy nang dumating ang barangay captain at media. Wala siyang nagawa nang ipinasok siya sa provincial jail.
Ipinresenta siya na may kinalaman sa droga—na siya raw ay kasabwat sa itinapong ebidensya. Hindi na siya nagkaroon ng pagkakataong ipagtanggol ang sarili. Sa kulungan siya dinala, at doon nagsimula ang pinakamadilim na yugto ng kanyang buhay.
Dalawang taon at pitong buwan siyang nakulong. Ang babae? Nahuli rin kalaunan. Napag-alaman niya na ito ay under surveillance. Pero sa loob ng mahabang panahon, wala itong sinabi upang linisin ang pangalan ni Rudy. Walang koneksyon, walang kakilala, at walang perang panggastos sa abugado, naghintay siya ng hustisya na tila hindi darating.
Hanggang isang araw, nagkalakas-loob siyang humingi ng tulong mula kay Sister Gilda Pates, regular na volunteer ng prison ministry sa Cagayan de Oro. Masugid na volunteer si Sister Gilda at balita na niya marami na itong natulungan. Nangakong tutulong si Sister Gilda at inirekomenda niya si Rudy sa PRESO Inc. Dito lamang muling nagkalakas-loob si Rudy at nabigyang pag-asa na lumaya.
Sa loob ng kulungan, natutunan niyang habaan ang pasensya. "Isang libong pasensya at samahan ng dasal," ang palagi niyang sinasabi sa sarili. Hindi niya hinayaan na maging marumi ang kanyang puso, kahit na ang batas na dapat magbigay ng hustisya ay para bang bulok at walang pakialam sa mga inosente.
Sa tulong ni Sister Gilda at ni Sis Mayeth na syang paralegal volunteer ng CDO prison ministry at siyang nag-asikaso sa mga kinakailangang papeles para sa pyansa, at sa mga personnel sa City Jail na nagtiwala sa kanyang kabaitan at salaysay na lalo’t higit sa PRESO Foundation na nagbigay ng mismong halaga ng piyansa, nakalaya si Rudy pansamantala noong Setyembre 2024. At nitong Enero 2025, ang kanyang kaso ay natapos at siya ay pinawalang sala. Lumaya man siya, ngunit hindi niya na maibabalik pa ang mga panahong nawala sa kanya.
Napagtanto niya na marami pang gaya niya. Ayon sa kanya, minsan may mga inosenteng nadadamay sa sistemang hindi gumagawa ng tamang paunang imbestigasyon, mga taong pinipilit ikulong upang may maka abot sa quota system at mga taong halos walang laban sa isang sistemang hindi nila kayang banggain.
"Kung pwede lang umalis…" naisip niya minsan. Pero sa huli, naniniwala pa rin siya na ang tunay na marangal na tao ay hindi kailanman isusuko ang kanyang integridad, gaano man kalala ang hamon ng buhay.
Si Rudy na ngayon ay 46 na, ay balik-trabaho bilang aircon/refrigerator maintenance at ang kanyang asawa ay supervisor sa isang pizza outlet. Kahit anong trabaho, papasukin ni Rudy, basta malinis at marangal.
Nagdarasal siya na muling maibalik ang tiwala nya sa sistema ng katarungan at mamuhay nang walang pangamba.
______________________________________________________
If you would like to support the PRESO Foundation in providing financial assistance to deserving PDLs, please reach out to the Foundation at 0906-822-1625. Alternatively, you may contact Ms. Nita Silva Mangaser or Sol Baltazar through their Facebook page or Messenger.
Commentaires