top of page
Writer's pictureMadelyn N. Solito

Nangakong Maging Mapagkumbaba Anumang Sitwasyon (Stories of Hope, Resiliency and Restoration - Tagalog)

Matapos mabilanggo, si Ren Inabiongan (ang kanyang tunay na pangalan), isang 43-taong gulang na drayber ng jeepney, ay lubusan nang nagbago. Ang pagiging mainitin ng ulo ay walang naidulot na mabuti sa kanya. Sa huli, ito ay nagdala sa kanya sa bilangguan. Sa gitna ng mainit na pagtatalo sa isang konduktor ng bus, nawalan siya ng control, nagdilim ang paningin at pinukpok sa ulo ang konduktor. Kinasuhan siya ng attempted murder noong Hunyo 2022.

Kinuwento niya na ang hirap ng buhay sa bilangguan at kung gaano ito kasikip. Pinapaalala niya sa lahat na manatiling mapagkumbaba sa anumang sitwasyon upang maiwasan ang pagdanas ng ganitong kasamang karanasan. Sa bilangguan, si Ren ay kailanma’y hindi nagreklamo at aktibong nakikilahok sa lahat ng mga gawain upang maging produktibo. Araw-araw, sumasali ito sa oras ng panalangin.

Ayon sa report ng Taguig Jail guards, si Ren ay may mabuting behavior. Base sa ulat na ito, tinulungan ng PRESO Inc. si Ren na makamit ang pansamantalang kalayaan habang dinidinig ang kanyang kaso. Ang PRESO Inc. ay nagbigay-daan sa pansamantalang paglaya ni Ren sa pamamagitan ng pagbibigay ng halagang PHP60,000.00 para sa piyansa, na kinikilala ang kanyang mabuting pag-uugali at merits. Noong Hunyo 2023, binigyan ng pansamantalang kalayaan si Ren. Tuluyan na ring ibinasura ng korte ang kaso ng attempted murder niya noong Oktubre 7, 2023, dahil hindi nagpakita ang complainant sa ilang pagdinig. Ang complainant ay tila nasangkot sa isa pang insidente.

Lubos na nagpasalamat si Ren sa PRESO Inc. sa pagtulong sa kanyang kaso at pagbibigay ng kinakailangang halaga para sa kanyang kalayaan. Kasama ang kanyang pamilya at anak na laging sumusuporta sa kanya, nilabanan niya ang unos. Panata ni Ren na patuloy siyang magsusumikap at magtiyaga bilang drayber ng jeepney, mamuhay ng tahimik at umiwas sa anumang gulo. Hindi na siya muling magpadaig pa sa kanyang init ng ulo.


Comments


bottom of page