top of page

Pasan ang Daigdig Pero Hindi Padadaig

Writer: Madelyn N. SolitoMadelyn N. Solito

(Stories of Hope, Resiliency and Restoration - Tagalog)


Dalawang taon matapos makalaya mula sa Valenzuela City Jail sa pamamagitan ng pagpiyansa at kalaunan ay sumailalim ng probation, patuloy pa ring nakikipaglaban si Lenie (tunay na pangalan), ngayon ay 44 na taong gulang, sa matinding stigma ng pagiging dating Person Deprived of Liberty (PDL). Kahit nakalaya na at tinutupad na lamang ang probation period, at napagbayaran ang kasalanang mariin niyang itinatanggi, siya at ang kanyang kapatid na nahatulan ng kasong “deceit” ay patuloy pa ring tinatawag na mga scammer.


Nag-plead sila ng guilty hindi dahil sila ay nagkasala, kundi dahil wala silang ibang option. Inamin na lamang ang kaso upang mapabilis ang paglaya at makapag-qualify sa probation, ayon sa PRESO Inc.—ang organisasyong tumulong sa kanila, nagpiyansa para sa kanilang agarang paglaya, at nagbigay-daan upang makapagsimula muli.



Noong Enero 2023, hinarap ni Lenie ang isa sa pinakamadilim na yugto ng kanyang buhay. Pumanaw ang kanyang ama na retiradong pulis, at ang kanyang 15-anyos na anak na may disability ay biglaang nawala. Ang anak niya ay may chronic nasal congestion na nakaapekto sa kanyang mga mata at nauwi sa katarata. Dahil sa kondisyon, madalas siyang hindi mapakali at gustong lumabas para maibsan ang iritasyon. Isang araw, bigla na lang itong umalis at hindi na bumalik.


Dahil sa labis na pag-aalala, nag-post si Lenie sa Facebook upang humingi ng tulong at ibinahagi ang kanyang numero. Hindi niya alam na ang inosenteng panawagang iyon ay hahantong sa mas matinding pagsubok. Habang patuloy na naghahanap, nagpunta sila ng kanyang kapatid mula Laguna patungong Valenzuela upang dalawin ang isang tiyahin—isang tradisyon sa pamilya lalo na’t kakamatay lang ng kanilang ama. May balita rin na posibleng nasa Valenzuela ang kanyang anak. Kung paano napadpad doon, ay hindi niya maarok.


Habang nasa Valenzuela, nakatanggap si Lenie ng tawag mula sa isang nagpakilalang si Sol Aragones, isang kilalang personalidad sa Laguna. Sinabi nitong magpapadala siya ng pera para makatulong sa paghahanap sa anak ni Lenie at inutusan siyang magpunta sa tindahang may GCash. Inutusang siyang magpadala ng dalawang transaksyon na tig-₱15,000 (kabuuang ₱30,000) sa isang partikular na numero. Sa kawalang pag-asa, sumunod si Lenie sa mga utos, na tila ba nahipnotismo. Noon, wala siyang pera—pumanaw ang ama, nawawala ang anak, at ang kanyang asawa ay isang kaswal casual na welder lamang.


Kalaunan, napag-alaman ng may-ari ng GCash facility na sila ay nabiktima ng scam at sila naman ang inakusahan na mga scammer. Tumawag ng pulis at, nang walang anumang imbestigasyon, sila ay dinala sa presinto at sa kalaunan ay ikinulong, kung saan agad silang tinawag na mga scammer.


Nang mailipat sa City Jail, sa kabila ng hirap ng kalagayan, nagpapasalamat pa rin si Lenie sa kabaitan ng kanyang mga kasamahan at sa warden na parang mother-figure sa mga PDL. Para maging makabuluhan ang pananatili sa loob, aktibo siyang sumali sa mga gawaing pangrelihiyon at livelihood programs.


Isang araw, nakarating sa PRESO Inc. ang kaso ni Lenie—isang organisasyong tumutulong sa mga PDL. Sinuri ng PRESO Inc. ang kaso upang alamin kung maaari siyang makalaya o makapagpiyansa nang mas maaga. Sila ang nag-asikaso ng mga dokumento, nagbayad ng piyansa, at nag-apply ng probasyon matapos hatulan si Lenie at ang kanyang kapatid. Sa pagsusuri, natuklasan na walang rekord ng krimen ang magkapatid at kinilala silang mula sa kagalang-galang na pamilya.


Lubos ang pasasalamat ni Lenie sa PRESO Inc. dahil sa kanilang tulong, na kung hindi dahil sa kanila, marahil nasa kulungan pa rin siya. Hiling niya na sana ay mas marami pang PDL na tulad niya ang matulungan—mga inosenteng napasama lamang sa maling sistema.


Sa kabila ng hatol, taas-noo pa rin si Lenie dahil alam niya ang katotohanan. Buo ang paniniwala niyang biktima siya ng hindi makatarungang sistema, kung saan nabigo ang mga pulis na magsagawa ng wastong imbestigasyon at hanapin ang tunay na scammer. Para kay Lenie, wala na siyang magawa kundi tiisin ang pagiging mahirap, walang koneksyon, at higit sa lahat, ang pagkakakulong at pang-aalipusta.


Matapos ang dalawang buwang pagkakakulong, nakahanap si Lenie ng trabaho bilang tagalinis at tagapag-alaga sa isang condominium malapit sa Mall of Asia, kumikita ng ₱8,000 kada buwan kasama ang libreng pagkain at tirahan. Bagaman hindi sapat ang kita para sa pangangailangan ng pamilya, patuloy siyang nagsusumikap. Bilang bahagi ng kanyang probasyon, kailangang regular siyang mag-report sa korte at bayaran ang ₱1,000 kada buwan ang may-ari ng GCash facility. Nabayaran na niya ang kanyang bahagi at ipinagpapatuloy ang pagbabayad sa parte ng kanyang kapatid na walang trabaho.


Sa gitna ng mga pagsubok, isang liwanag ang dumating nang matagpuan ang kanyang nawawalang anak sa pangangalaga ng Bahay Kalinga sa Valenzuela—habang siya ay nakakulong pa. Labis ang kanyang tuwa at pasasalamat dahil sa kabila ng lahat ng pinagdaanan, ligtas at maayos ang kanyang anak.


Ang mga anak ni Lenie ay magkakahiwalay ng tirahan—ang panganay ay nasa Zamboanga, ang may kapansanang anak ay nasa Bicol, at ang tatlong bunso ay nasa Laguna. Mabigat ito sa kanyang kalooban, ngunit humuhugot siya ng lakas sa pangarap na muling makasama silang lahat balang araw.


"Pasan ko ang daigdig, pero hindi ako padadaig," wika ni Lenie. Hindi na niya alintana ang stigma dahil alam niya ang katotohanan. Matatag ang kanyang paniniwala na siya at ang kanyang kapatid ay walang sala. Bagaman hindi pa makabalik sa Laguna dahil sa probation, determinado siyang umuwi balang araw, buuin ang kanyang pamilya, yakapin ang mga anak, at magsikap para sa kanilang kinabukasan.


-----


If you would like to support the PRESO Foundation in providing financial assistance to deserving PDLs, please reach out to the Foundation at 0906-822-1625. Alternatively, you may contact Ms. Nita Silva Mangaser or Sol Baltazar through their Facebook page or Messenger.

Comments


© 2018 PRESO Inc.

SEC Reg. # CN201823985

Background Image by Manila City Jail

Visitors

bottom of page