Si Joshua Andrino (tunay na pangalan), na ngayon ay 26 na taong gulang, ay labis na nagpapasalamat sa PRESO Inc. para sa kanilang walang sawang suporta noong siya ay nakulong na itinuturing niyang pinakamababang punto ng kanyang buhay.
Nakulong si Joshua dahil sa kasong murder o sadyang pagpatay. Bagaman pinaninindigan niya ang kanyang pagiging inosente, alam niya na malaking hamon ang kasong ito. Ngunit, hindi niya inasahan na ang isang organisasyon tulad ng PRESO Inc. ay magkakaroon ng interes na tulungan siyang mapalaya nang maaga. Akala niya na ang mga taong katulad niya, na walang impluwensya at pera, ay hindi na makakakita pa ng liwanag ng araw.
Pinadali ng PRESO Inc. ang maagang paglaya ni Joshua at ibinigay ang halagang PHP60,000.00 para sa piyansa. Kasunod nito, siya ay pansamantalang pinalaya noong Setyembre 2022.
Si Joshua ay isa sa limang magkakaibigan na tinawag na Navotas “boys” na nagkaroon ng alitan sa isang grupo ng mga lalaking nag-iinuman sa isang makipot na eskinita sa Navotas. Ang isa dito na lasing na ay tinakot sila at sinabihang umalis na sila sa lugar kung gusto nilang manatiling buhay. Umalis ang mga magkakaibigan at nagdesisyong pumunta na lamang sa isang computer shop subalit isa sa kanila ang nakorner nung lalaking lasing. Sa tangkang ipagtanggol ang sarili mula sa mga pag-atake ng lalaking yun, aksidenteng napatay ng kanilang kaibigan ang lalaki.
Kinabukasan, inaresto si Joshua ng pulisya dahil lamang sa siya ay kasama ng sinasabing pumatay. Dahil hindi naman sangkot si Joshua sa nasabing krimen, kumpiyansa siyang siya ay agad na mapapalaya. Sumunod siya sa mga utos ng pulisya sa kanyang pagkakaaresto, at naniniwalang mapapatunayan din ang kanyang pagiging inosente. Sa edad na 20, si Joshua ay nakulong noong Hunyo 11, 2017, at nung Marso 6, 2024, sya ay napatunayang walang kasalanan.
Simula nang makalaya, nangako si Joshua na magbabago ito. Pinapayuhan niya ang lahat na manatiling kalmado at mag-isip nang dalawang beses bago gumawa ng anumang matinding aksyon. Pinapaalalahanan niya ang mga tao na igalang ang bawat taong makakasalamuha at laging manatiling mapagpakumbaba sa anumang situwasyon. Hindi lahat ng tao na makikilala mo sa buhay ay mabuti; ang ilan ay susubukin ka. Naniniwala siya na mahalagang iwasan ang mga gulo nang sa ganoon, maiwasan rin ang maparusahan nang mabigat tulad ng pagkakakulong.
Bago siya nakulong, nagtrabaho si Joshua bilang isang welder at kumikita para sa kanyang pamilya. Bagaman minsan ay pasaway siya sa kanyang mga magulang, itinuturing pa rin niya ang sarili bilang isang mabuting anak na hindi kailanman nagsimula ng gulo. Suportado siya ng kanyang pamilya sa buong panahon ng kanyang pagkakakulong na tumagal ng mahigit limang taon. Dinadalhan siya ng pagkain, mga pangangailangan, at kaunting pera na magagamit kapag siya ay nagugutom, dahil ang pagkain sa kulungan ay madalas na kulang at rationed.
Habang nasa kulungan, sumali si Joshua sa isang distance education program at natapos ang high school. Nagsimula rin siyang magbasa ng bibliya, na labis na nagbago ng kanyang pananaw sa buhay.
Nais ni Joshua na ipagpatuloy ang kanyang pag-aaral, ngunit ang kanyang mga responsibilidad bilang ama sa kanyang unang anak ang kasalukuyang inuuna. Sinasabi niyang ang kanyang pamilya ang kanyang pangunahing pokus ngayon, ngunit umaasa siyang makabalik sa pag-aaral balang araw at mapabuti ang sarili sa pamamagitan ng edukasyon. Isa siyang merchandizer ngayon ng mga “softdrinks. ” Bilang merchandiser sa isang malaking tindahan sa Camp Aguinaldo at V. Luna sa kamaynilaan, pangunahing responsibilidad ni Joshua ay ang pag-package, pag-aayos at pagdisplay ng mga “softdrinks.”
Ngayon, mas maganda na ang pananaw ni Joshua sa buhay at sisikapin niya na sulitin ang kanyang “second chance” sa buhay. Patuloy nyang tatahakin ang isang landas na patungo sa pagiging positibo at responsableng pamumuhay.
Comments