top of page
Writer's pictureRaymund Narag

Tatayong Muli

Updated: Sep 12, 2020


Heto si Joselito* (di tunay na pangalan), siya ay 19 taong gulang. Siya ang panglima sa mga lumaya sa pamamagitan ng Community Bail Bond. Narito ang kanyang kwento.

Si Joselito ay pangalawa sa pitong magkakakapatid. Siya ay nakatapos ng Grade 5. Bahagyang nakakabasa at nakakasulat. Ang kanyang ama ay tricycle drayber at ang kanyang ina ay housewife. Madalas siyang atasan ng magulang na tumingin sa kanyang nakakabatang kapatid. At tulad ng karaniwang kabataan, mayroon syang mga katropa doon sa may kanto. Inamin din niya na siya ay madalas na maburyong. Natuto na rin siyang magyosi at uminon ng alak. Nakatikim na rin daw siya ng bawal na gamot.

Gayumpaman, sabi niya na siya mabait na bata at masunirin sa magulang. Yun nga lang, aminado sya na madali siyang masulsulan ng mga kaibigan.


Minsan isang hapon, naudyukan siya ng katropa niyang si Benny na magnakaw. Nakatiwangwang daw kasi ang mountain bike doon sa bahay malapit sa kanto. Bagamat atubili siya, siya ay napapayag... first time daw niya itong ginawa. Ginamit nilang pang joyride. Pero di kalaunan ay sila ang suspek. Dinala sya sa presinto.. Natakot siya sa mga pulis. Isinauli niya ang mountain bike sa may-ari at siya pa ang naghatid sa pulis doon sa bahay ng biktima. Lubos na humingi na patawad. Ang kasama niyang si Benny ay di nahuli.


Siya ay nakasuhan ng theft. At siya nakulong noong December 28, 2019. Hanggang sa madala siya sa Quezon City Jail Male Dormitory noong January 22, 2020. Doon na rin siya inabutan ng quarantine.


Sa simula, ang pyansa niya ay PhP 40,000 pesos dahil ang halaga daw ng mountain bike ay Php 50,000. Sa pamamagitan ng volunteer lawyer na si Atty Anthony Julian Purganan ng IBP QC, napababa niya ang pyansa sa halagang PhP 2,000.... opo Php 2,000 na lang. Subalit, sa sobrang hirap ng buhay, ang tatay nyang tricycle drayber ay di man lang makabuo ng ganitong halaga. Kaya't nabulok na sya sa kulungan. Di pa siya nagkakahearing.


Sa loob, siya ay napasama sa Sigue Sigue Commando gang. Madalas daw siyang sumali sa mga gawaing spiritual. Dahil dito, siya ay nairekomenda sa aming Community Bail Bond Program.


Sa tulong ng PAO Chief Persida Acosta at kanyang mga PAO lawyers sa Quezon City, at sa jail officers sa Quezon City Jail tulad ni Marjorie Gonzales Engano, matapos ang ilang araw na pabalik-balik sa bangko at korte, lumaya sa wakas si Joselito.

Galing po sa mga anonymous donors ang perang pangpyansa.

Sa kabuauan, anim na buwan syang nabilanggo. Hindi pa sya nagkakahearing. Sisiguruhin ng aming volunteer na si Solita Baltazar na sya ay aatend sa hearing niya. I-momonitor din na siya ay di na babalik sa maling barkada. Isasama din sya sa mga programang tulad ng ALS at livelihood sa kanilang barangay.


Ito po ang mga kwento nakakalkal ng aming Community Bail Bond. Ang layon ay mapadali ang takbo ng kaso, maiwasan ang exposure sa kulungan, mabawasan ang gastos ng gobyerno at lumuwag ng kaunti ang kulungan.


Maraming pagsubok na kakaharapin si Joselito. Hindi magiging madali ang kanyang pagbabagong buhay. Subalit sa pagpapakita ng kalinga sa kanya, sana ito ang simula ng pagkilala niya ng mga tamang daanan sa buhay.


Comments


bottom of page