top of page
Writer's pictureSolita Baltazar

There's Light After 8 Years in Darkness

Updated: Mar 12, 2021


Ang mga taong nakakulong katulad ni Marco ay tinatawag na “persons deprived of liberty” (PDL). Si Marco ay isang pdl na tahimik, mahiyain at laging nakaupo lang ngunit sa pagpasok sa Chapel ngingitian ka rin naman nya. Sa isang activity namin sa Restorative Justice Ministry, inalok ko siyang mag enroll sa aming klase. At sya naman ay tumugon. Mayron ding nag sponsor sa anak nya sa isang educational assistance program. Sa pagkakataong ito ay dito na siya naging open sa akin. Sabi nya: “ makalaya pa kaya ako mula sa isang kasong binintang nila sa akin na tinatawag na heinous crime at wala pang recommended bail? Parang imposible.” Sambit nya ito na may tumulong luha. Sa loob ng walong taon nya sa loob ay sinalihan na nya halos lahat ng activities. Dahil dito, parang natutunan nyang maging mas mahinahon bagama’t napakasakit na kay tagal na panahon na hindi nya nakapiling ang ina na patuloy pa ring nagtatrabaho bilang isang tindera ng gulay, ang kanyang ama na maysakit at lalo’t higit ang nagiisang anak. Minsan may dumating na mga NGO sa Jail at ang PRESO Inc.ay nagpatawag ng mga bilanggong matatagal na sa Jail. Dito ko inilapit ang kaso ni Marco at sinikap kong ilaban ang kanyang paninindigan. Nung panahon na yun napagalaman ko na rin na may mga members ng PRESO Inc. nag follow-up sa Court at sa kanyang lawyer hanggang nagkaron ng petition to bail. Sa isip ni Marco baka ito na nga ang kasagutan sa kanyang mga panalangin hanggang sa dumating ang pandemic. Sa panahong ito, isa pang condition na nagpapahirap sa kanya ay ang kanyang almoranas (or hemorrhoids) na sobrang sakit at nagdurugo pa. Kung minsan ay napapadalhan namin sya ng gamot. Nagkataon pa dahil hindi sya puedeng magpaospital at baka sya ay mailipat pa sa isolation area ng mga may CoVid, ay tinitiis na lang nya ito. Sa pagtitiis at patuloy na mga panalangin at pati na ng kanyang pamilya ay may biyaya palang nakalaan. Dumating ang balita mula sa Court na ang petition nya for bail o pyansa ay na approved na. Mahirap paniwalaan pero nangyari. Ang pyansang P100 thousand ay sinikap bayaran ng PRESO Inc sa paniniwalang sya ay isang meritorious case.

September 9, 2020, halos parang nahihilo pa at nagtataka, lumakad si Marco palabas ng pintuan ng bilangguan. At naganap na ang pagkikita ng pamilya. Yakap at luha ang sumalubong kay Marco. Wala syang pagsidlan ng kasiyahan. Pati ako sobrang happy. Talaga palang buong buo ang pagmamahalan nilang pamilya na kailanman ay hindi sya iniwan. Walang hanggang pasasalamat sa Panginoon at sa Preso Inc na nagtiwala sa kanya. Muling nagtanong si Marco: “Pano akong nakalaya na dalawa lang kayo ni Sis. Nita na personal kong kilalang mga volunteers?” Alam ko at alam din nya na walang imposible sa Diyos. Sa mga PDL, tandaan natin na kahit anung mangyari, may liwanag pa ring masisilayan matapos ang pinakamadilim na mga taon ng ating buhay!

Comments


bottom of page