Namuhay pareho sa mahirap na pamilya at lumaking matalik na magkaibigan sina Rudy at JR. Magkaramay, magkatuwang sa lahat ng bagay. Pero sadyang mapaglaro marahil ang tadhana para sa dalawa. Bata pa sila nang parehas na malaman na may kanya-kanya silang mga karamdaman. Si Rudy na-diagnose na may kidney failure at si JR naman ay may epilepsy. Gayun pa man, namuhay silang normal tulad ng ibang kabataan at patuloy ang kanilang pagkakaibigan. Parehas din silang nahinto sa pag-aaral dahil sa kanilang mga sakit kaya sa murang edad ay natuto silang maghanapbuhay. Tumutulong sila sa kanilang magulang sa pagtitinda sa kalye.
Halos hindi nila binibigyang pansin ang kani-kanilang karamdaman, pero marahil gustong subukan ng panahon ang kanilang pagkakaibigan. Sa isang pagkakataong di malilimutan, habang naglalakad si Rudy, napadaan siya sa isang grupo ng nag-iinuman. Napatingin siya dito at bigla siyang sinigawan ng tatlong nag-iinuman na sa kalaunan ay nalaman nilang kaanak ang isa sa mga ito ng Barangay Captain. Pagkasigaw sa kanya ay sinabihan siya na bakit ang sama ng tingin niya pero sa kanila. Hindi ito inintindi ni Rudy dahil mga lasing na sila. Marahil lalong nagalit ang mga ito kaya napagtripan nila at pinagtulungang bugbugin si Rudy.
Nung mga oras na yun, sa di naman sinasadyang pagkakataon, nakita ni JR na pinagtritripan ang kanyang kaibigan. Sinabihan niya ang mga lasing na itigil ang pagbubugbog kay Rudy dahil may sakit ito. Pero patuloy pa rin ang mga lasing sa kanilang ginagawa kaya natural lang na ipagtanggol ni JR ang kanyang kaibigan. Nagkagulo na ang lahat. Sa di inaasahan, nakakuha ng patalim si JR at iyon ang nagamit niya bilang pagpigil na rin sa mas malalang mangyayari kay Rudy. Matapos ang nangyari, nagtamo ng sugat ang dalawang nakalaban nila at silang magkaibigan ang tuluyang nakasuhan ng frustrated homicide. Nais din sana nilang makasuhan din ang mga naunang nambugbog ngunit alam nilang malaking pera pa ang kakailanganin kung magsampa pa ng kaso, at ito ay di nila kakayanin.
Magkasama silang dumanas ng sobrang hirap sa kulungan sa loob ng limang taon. Doon sa kulungan lumala ang kalagayan ni Rudy kaya inilapit siya sa PRESO, Inc. ng isang Jail Officer dahil sa kinakailangang weekly dialysis treatment nito. Sa pag aaral ng sitwasyon at kaso ni Rudy, kasama ang pag bisita sa mga magulang nito pati na sa Barangay nila, nakita naman na matinong anak at mabuting miyembro ng komunidad ito, ay pwede si Rudy maibahagi sa Community Bail Bond Program para agarang makalabas siya at mabigyang atensyon ang kaniyang dialysis treatment. Mabilis ang naging pag-piyansa kay Rudy at nitong Sept. 1, 2021 ay tuluyang nakalabas siya ng kulungan.
Sa paglaya ng kanyang matalik na kaibigan ay lubos na nalungkot si JR dahil naiwanan siya ng nag-iisang karamay sa loob ng kulungan. Hindi alam ni JR na ang paglabas ng kaniyang kaibigan ang magiging tulay rin para siya din ay matulungan ng PRESO, Inc. sa pamamagitan din ng Community Bail Bond Program.
Inilapit din sa amin ng BJMP Jail Officer ang kalagayan ni JR at nalaman din na ito ay madalas sumpungin ng epilepsy. Ang Barangay na siyang nagendorso sa pagkatao ni Rudy ay siya ring nagsabi na si JR ay isa ring mabuting myembro ng kanilang pamayanan. Hindi rin nagdalawang isip ang PRESO, Inc. na siya ay tulungan makapag-pyansa at makalaya. Labing-anim na araw silang nawalay sa isa’t isa pero ng Sept. 17, 2021 ay muling nagkasama ang matalik na kaibigan.
Sa ngayon, ang dating naka wheelchair at nanghihinang Rudy ay unti-unti nang nakaka-recover sa kanyang sakit pero patuloy pa rin ang dialysis treatments nito. Si RJ naman ay namumuhay nang maayos at may patuloy na gamut para sa kanyang epileptic attacks. Tumutulong din sya sa pagtitinda para sa kabuhayan nila. Mas madalas na rin silang nagkakausap ng kaibigang si Rudy.
Sa awa ng Poong Maykapal ay napagdesisyunan ng korte na bigyan ng Provisionary Dismissal ang dalawa nitong Nobyembre 2021. Umaasa ang dalawa na sa kalaunan ay tuluyan ng magkaron ng permanent dismissal ang kanilang mga kaso. Sa kanilang pinagdaanang pagsubok, sa kulungan man o sa laya, naging halimbawa sila na ang tunay na pagkakaibigan ay dapat… walang iwanan!
Comments